
TOTOO ba na ang sumpaan ng kapatiran ay hanggang kamatayan? Ganyan ba ang nagaganap ngayon sa ilang fraternity sa bansa?Dapat nga bang ipagpapatuloy ang ang sumpaang ito kahit na may buhay na nakataya?
Kamakailan lang,sa mga balita aking nasagap at nakita sa telebisyon napatay ni RJ Moreno ng grupong AKHRO si Kyle Lomibao ng Tau Gamma sa mismong harapan ng bahay nito. Ang itinuturong dahilan? Alitan sa pagitan ng dalawang frat.
Bumulusok ang bilang ng mga kaso ng rambol at barilan sa buong probinsya. Kaya naman ang pulisya, gumawa ng panukalang ideklara ang mga fraternities na kriminal!kung ating maririnig sa mga radyo at makikita sa mga telebisyon pumapangalawa ang isyu tungkol sa alitan ng iba't ibang grupo, maging sa mga pahayagan ay talamak ang isyung ito.
Natunghayan ko sa telebisyon ng pinasok ni Sandra Aguinaldo ng I-Witness ang mundo ng mga fraternity at gang sa Cebu. Ayon pa sa kanya susundan niya ang mga kaso ng patayan sa pagitan ng Akhro at Tau Gamma at aalamin ang mga saloobin ng mga miyembro tungkol sa nangyayaring frat wars.
Dahil sa away ng AKHRO at Tau Gamma, nabuo ang mga gang tulad ng Bloods at Crips. Kung dati-rati, sa sayawan sa kalye lang sila naglalaban, ngayon, rambulan na ang kadalasan nilang gimik sa lansangan na minsay may nabubuwis nang buhay.
Akin ring nasaksihan ng sinamahan ni Sandra ang Akhro sa kanilang ritwal, kung saan sinusunog ang gilid ng pulso bilang simbolo ng panghabambuhay na pagiging miyembro ng grupo. Ipakikita rin ng isang fraternity ang initiation o paraan para makapasok sa grupo, kung saan pinapalo ng paddle ang mga aplikante ng lagpas walumpung beses!At halos mamilipit na sa sakit, maihahalintulad pa sa isang talong ang kulay nang mga binti.
Makikilala rin sa I-Witness ang mga miyembro ng Bloods, mga kabataang edad 14 hanggang 17, na aminadong naging patapon ang mga buhay dahil sa pagsali sa grupo. Tumatambay hanggang madaling-araw, armado ng mga ice pick at baril, umiikot ang grupo sa iba't ibang lugar na ang tanging hanap ay rambol sa kaaway na gang. Naisip ko tuloy masaya kaya sila kung may nasasaktan na silang tao?siguro oo, sapagkat hindi naman siguro nila ipagpapatuloy ang ganitong gawain kung hindi diba?ganito na ba talaga ang mundo natin ngayon?
Fraternity. Sorority. Kapatirang maituturing ngunit tila nalilihis ng landas. Kamakailan din, narinig ko sa radyo na isang myembro ang naging biktima ng pananakit matapos magpasyang tumiwalag. Ilang latay ng sinturon at paddle ang humagupit sa batang katawan at ngayo'y nagpapagaling sa mga natamong pasa at pamumuo ng dugo. Gaano nga ba kahalaga ang mga "initiation rites" o mas kilala sa katagang "hazing" sa isang kapatirang organisasyon? sinasabing pinapatibay nito ang bigkis ng kapatiran, ng samahan. Subalit, maituturing nga bang kapatiran kung buhay ang nakasalalay? ilang kabataan na nga ba ang nasawi mula sa marahas na pagpapatupad nitong barbarong tradisyon? ilang insidente na ba ng bayolenteng sagupaan ang kinabibilangan ng mga away-frat? kabutihan nga ba o pawang kapahamakan ang dulot ng samahan?kailan ko kaya maririnig mula sa mga pahayagan na may naidulot namang kabutihan ang fraternity sa ating komyunidad?
Maganda ang pangunahing layunin subalit taliwas ang pagpapatupad ng ilan. Handa nga bang itaya ng kabataan ang buhay mapabilang lamang sa isang grupo? para saan? tunay na marami rin namang may tunay na layuning matuwid at nangangalaga sa kapakanan ng mga kasapi, subalit maraming higit ang nalilihis. Ayon sa batas ng Pilipinas, bawal ang anumang uri ng hazing (Republic Act No. 8049 - Anti-Hazing Law). Kaya dapat lang sigurong bigyan ng parusa ang mga fraternity na lumalabag na sa batas o masasabing kumikitil na ng buhay!
Sa mga artikulong ating nabasa tungkol fraternity makikitang may mga epekto talaga ang fraternity sa ating lipunan lalong-lalo na sa mga kabataang sumasali dito. Sa pagdaan ng panahon dumarami lalo ang tinatawag na fraternity at dumarami rin ang mga taong nalilihis ang landas. Sa ngayon imbis na makatulong, ito pa ang siyang nakakasira sa kinabukasan. Dapat na tayong magising sa katotohanan na sa ating henerasyon ngayon inaabuso na ng iba at ginagamit sa masama ang fraternity.
GUMAHIN, Anabel
II-C